Naging Mapusok ang Dalaga at Nagpumilit Tumakas ng Dis Oras ng Gabi; Grabe Pala ang Magiging Kapalit Nito

Mag aalas otso na ng gabi habang naghahanda ng hapunan ay napansin ni Teresita ang anak na bagong paligo at tila bihis na bihis. Halos hindi na nito makilala ang anak sa sobrang kapal ng kolorete na nakalagay sa mukha.

“Aba Brenda, gabing-gabi na ah? Bakit ganyan ang ayos mo? Matutulog ka ba na nakaganyan?” pagbungad ng ginang sa anak.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

“Ahh.. hindi, ma. Ang ganda ko ba?” tanong ng dalaga habang kinukulot ang mahahabang pilikmata.

“Oh e bakit nakaayos at gayak na gayak ka? Ano’ng meron? Halika ka na dito at sumabay ka na sa’min ng lola at kapatid mong maghapunan!” malumanay na pag-anyaya ni Teresita.

“Ah ee kasi may lakad po kasi ako, kaya hindi na po ako kakain dito. Gigimik pa kasi kami ng mga friends ko, baka dun na din kami mag dinner,” wika ni Brenda habang naglalagay ng pulang-pula nitong lipstick.

“Napapasobra na ata yan paglabas-labas mo ng gabi anak ha?! Hindi mo ba alam na delikado ang panahon ngayon?” pagpapaalala naman ng ina habang tinitignan ang kasuotan at ayos ng anak. “At tsaka tingnan mo nga iyang suot mo, nag-abala ka pang mag damit eh halos kita ng ang buong kaluluwa mo dyan e!” dagdag pa nito.

“E pag hindi ako sumama, ako lang ang wala sa’ming magkakaibigan. Ano ba yan Mama, ang laki-laki ko na, wala ka pa rin bang tiwala sa akin?” Pag-iinarteng sagot ng dalaga habang umiirap-irap ang mga mata.

“Tigilan mo nga ako Brenda sa mga kaartehan mo. Magpalit ka ng damit doon at maghilamos ng mukha! Tigilan mo ‘yang paglaboy mo at magagalit ang papa mo pag nalaman ng puro gimik ang inaatupag mo! Bilisan mo at sabay-sabay na tayong maghapunan,” sagot ng ginang na halatang naiinis na.

“Wag na lang! Hindi na ako kakain. Matutulog na lang siguro ako. Nawalan na din ako ng gana. Salamat na lang ha?” pagtataray na sagot ng babae sa kaniyang ina.

“Alam mo hija, hindi na kasi ligtas ang panahon ngayon, hindi katulad noong araw, kaya para sa kaligtasan mo din naman ang sinasabi sa iyo ng mama mo,” pagsabat naman ng lola ni Brenda.

“Hindi na nga ho tutuloy hindi ba?!” pabalang na sagot naman ng dalaga sa kaniyang lola.

“Aba, bastos kang batang ka ah!” pagalit na bulyaw naman ni Teresita. Ngunit bago pa man matapos ang sasabihin nito ay agad siyang tinalikuran ng anak  at pagalit na pumasok sa kanyang kwarto kasunod ang malakas na pagbalibag ng pintuan.

Alas diyes na at nakalipas na ang dalawang oras ngunit hindi pa rin lumalabas ng kwarto si Brenda. Sinubukan siyang katukin at kausapin ng ina, ngunit hindi ito sumasagot. Hindi naman na ngpumilit si Teresita sa pag-aakalang ito’y natutulog at nagpapahinga na.

Tahimik na ang gabi at tanging ingay na lamang ng mga kuliglig ang maririnig. Pinakiramdaman ni Brenda kung may gising pa sa kanilang sambahayan. Marahan niyang binuksan ang pintuan at maingat na sumilip. Nakita niyang ang tanging bukas na ilaw ay nanggagaling sa kanilang kusina, ibigsabihin ay tulog na ang mga tao.

Kanyang inayos kaagad ang mga gamit at nagdagdag pa ng kaunting pulbo sa mukha at saka dahan-dahang lumabas ng kwarto. Ingat na ingat siyang makagawa ng kahit katiting na ingay upang walang makakita o makarinig sa kanya. Sa likurang pintuan siya dumaan kung saan walang asong kakahol sa kanya. Mga ilang saglit pa ay nakalabas din siya. Agad niyang tinawagan ang mga kabarkada na kanina pa nag-iintay.

“Papunta na ako. Hintayin niyo na lamang ako dyan sa bar ha? Sorry talaga! Parating naman na yung na-book ko na car e. See you!” pabulong na sabi ng dalaga sa kausap sa cellphone.

Ilang sandali pa, dumating na nga ang driver. Nagmamadali at tuwang-tuwa na pumasok sa sasakyan ang pasaway na dalaga.

Mabilis naman siyang nakarating sa bar kung saan nagpa-party ang kaniyang mga kaibigan kasama ang isang grupo ng mga kalalakihan na ngayon pa lamang niya nakilala.

“Sa wakas nakarating din!” pagbati sa kanya ng kaibigan na nakasuot ng spaghetti na damit ang maikling palda. “O ano pang iniintay mo? Inom na dali!” agad naman siyang hinila nito paupo habang inaabutan ng mataas na shot ng alak.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Isa, dalawa, tatlo at ilang matataas na shot ng alak pa ang ininom ni Brenda. Hanggang sa makaramdam na siya ng kaunting pagkahilo.

“Tara sayaw na tayo! Woohoo!” Sigaw ng dalaga habang hinihila ang mga kaibigan sa kalagitnaan ng sayawan. Nakailang ulit na inom pa siya at sa huling lagok na galing sa kanyang baso ay tila nawalan na siya ng kontrol. Naghalo-halong hilo at panghihina ang kaniyang nararadaman ngayon, na hindi naman kadalasang nangyayari sa kanya pag siya’y umiinom. 

Sinubukan niyang tumayo, ngunit hindi na niya makontrol ang pagkilos. Naramdaman na lamang niyang pinagpapasa-pasahan siya ng ilan sa mga kalalakihang kainuman niya habang nagtatawanan ang mga ito.

“Okay lang ba na ihatid niyo na si Brenda sa kanila? Mukhang sobrang lasing na kasi e. Ise-send ko na lang sa text yung address niya ha?” Narinig ng dalaga na pakiusap ng kaibigan.

“Sure! Kami na ang bahala,” sagot naman ng lalaki na hindi na mamukhaan ni Brenda sa sobrang pagkahilo. Iyon na lamang ang mga salitang kanyang huling narinig bago tuluyang bumigay ang kanyang katawan sa sobrang kalasingan.

Unti-unting bumukas ang mata ni Brenda galing sa matingkad at mainit na sikat ng araw. Tumingin-tingin siya sa paligid at tila ba nagulat nang matagpuan ang sarili niya sa masusukal na damo sa isang bakanteng lote. Napakapit na lamang siya sa kanyang ulo na pumipintig sa sakit ngayon. Sinubukan niyang alalahanin ang mga pangyayari noong lumipas na gabi, ngunit tila kulabo pa ang kanyang pag-iisip. 

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only.)

Tinignan niya ang orasan na nakasuot at tila ba lalo siyang nagising nang makitang alas dos na ng hapon. Wala na sa kanya ang bag at cellphone, pero wala na siyang pakialam dito, ang gusto na lamang niya ngayon ay makauwi sa kanila.

Tumayo siya at ipinagpag ang sarili. Dali-dali siyang umuwi, dahil panigurado galit na galit na ang kaniyang ina. Habang naglalakad pauwi ay pinipilit pa rin niyang alalahanin ang mga pangyayari, ngunit tila ba isang naburang memorya ang lahat. Ang alam lamang niya eh mayroon maghahatid sa kanya pauwi, ngunit ang sumunod na nangyari ay hindi na niya maalala at kung bakit doon sa damuhan na lamang siya ibinaba at iniwan.

Makalipas ang halos tatlumpung minuto ay dumating siya sa labas na kanilang bahay, ngunit labis siyang nagtataka kung bakit napakadaming tao at tila ba nagkakagulo. Dahan-dahan siyang pumasok sa gate at nagulat nang makitang ang mga malalapit na kamag-anak ay naroon rin.

“May birthday?” tanong ng dalaga sa kaniyang sarili. “O baka naman, akala nila eh nawawala na ako!” Nanlaki ang mga mat ani Brenda at nagmadali itong itong tumakbo papasok sa loob.

Bumungad agad sa kanya ang inang si Teresita na umiiyak habang yakap ang isang picture frame. Kinakalma ng kaniyang mga kapatid. Lalapitan na sana niya ito nang mapukaw ang kaniyang atensyon sa kanang bahagi ng kanilang bahay. Mayroong maliliwanag na ilaw at…

“K-kabaong?” tanong ng dalaga sa kaniyang sarili. “Sinong sumakabilang buhay?” Inilingon niya ang kanyang mata upang hanapin kung sino ang wala ngayon sa kanilang pamilya.

“Sandali… S-si lola ba? Si Papa?” napakapit si Brenda sa kaniyang dibdib at dahan-dahang lumapit sa puting kabaong. Nanlaki ang kaniyang mga mata at napatakip siya ng bibig ng makita ang tao sa loob nito ay walang iba kundi…

“Ako?” Tanong ni Brenda sa sarili na tila ba hindi makapaniwala sa nakikita. “Ngunit paano? Bakit? Kailan?” At tila ba isang kidlat na lamang na tumama sa kanya ang memorya mula sa mga nangyari tatlong gabi na ang nakararaan.

Isinakay siya pauwi ng tatlong kalalakihan. Ibinaba siya sa masukal na damo at doon nagsimulang tanggalin ang kaniyang saplot. Sinubukan niyang lumaban ngunit sobrang hinang-hina ang kanyang katawan dahil sa kalasingan. Sinubukan niyang sumigaw upang humingi ng tulong ngunit pinasakan naman ng panyo ang kanyang bibig. Wala siyang ibang nagawa kundi umiyak. 

Pinagpasa-pasahan si Brenda ng mga lalaki na tila ba tuwang-tuwa pa sa ginagawa. Siya’y pinagsamantalahan ng walang kalaban-laban. Inipon niya ang kanyang lakas sa huling pagkakataon at sinubukan suntukin at sipain ang huling lalaki na nasa ibabaw niya, ngunit ginantihan siya nito ng isang malakas sa suntok sa sikmura at ulo. Ang malakas sa suntok sa kanyang ulo ang naging dahilan ng kanyang pagpanaw.

Ngayon ay nakatingin siya sa kaniyang katawan na nakahiga sa puting kahon. Tila ba lahat ng sakit na naramdaman niya nung gabi ay biglang nagbalik. Naglakad siya pabalik sa kanyang ina, at ang mga salitang kanyang narinig ang nagpatigil ng kaniyang mundo.

“Bakit hindi ka kasi nakinig? Diyos ko, ang anak ko!” Hagulgol ng ina habang hawak ang litrato ng anak. “Anak! Mahal na mahal ka ni Mama!” pagsusumigaw pa nito.

Napangiti na lamang siya ng mapait habang binibigkas ang mga salitang, “Sorry Ma… Mahal na mahal din kita…” at doon bumuhos ang kaniyang mga luha kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan ng mga oras na iyon.

Nahanap at nahuli naman ang mga lalaking nagsamantala at lumapastangan kay Brenda. Nasintensyahan ang mga ito ng panghabang buhay na pagkakakulong. Naihatid na si Brenda sa huling hantungan pitong araw mula nang matagpuan ang hubad na katawan nito sa masukal at bakanteng lote.

Ang pangyayaring iyon sa buhay ni Brenda ay naging malaking balita at aral para sa mga tao doon. Naging mapait ang kapalit ng kanyang pagtakas at kapusukan. Ang inaakala niyang pansamantalang kalayaan na pala ang maghahatid sa kanya sa huling hantungan.

Please follow and like us:
fb-share-icon

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this: