Problemado na naman si Nessie dahil ang asawa niya, nasa kung saang lupalop na naman at paniguradong doon nag-iinom. Kung may award lang sa pagiging pinaka-lasenggo sa lahat ng lasinggero, panigurado, panalo na ang asawa niya!
“Diyos ko! Saang kanto ko na naman kaya susunduin ang hinayupak na asawa ko?!” Hindi mapakaling sabi ng babae.
Palagi na lamang kasing nag-aarkila ang ginang ng tricycle upang isakay ang asawa dahil hindi na ito nakakauwi sa sobrang kalasingan.
“Nessie, iwanan mo na ‘yang asawa mo! Dalhin mo na ang mga anak ninyo at lumayo na. Wala na kayong magagawa sa kondisyon niyan. Lulong na sa alak ang asawa mo!” galit na sabi ng ina ni Nessie.
“E ‘nay, baka naman sakaling magbago pa kasi. Baka may mga paraan pa para mapatigil ang asawa ko,” pagtatanggol naman ng babae.
“Aba, lahat na ginawa mo, ‘di ba? Tinakot mo nang lalayasan n’yo. Iginapos ninyo na at ikinulong sa bahay, ano?! Nakakakuha pa rin ng paraan para lumaklak. Ano bang tingin ng asawa mo sa atay niya, sampu? Aba, ‘di bale sana kung siya lang ang mamro-mroblema kapag may sakit at wala na siyang pakinabang!” saad pa ng matanda.
“Grabe naman kayo magsalita, ‘nay! Magbabago pa iyon, at saka baka may paraan pa naman.”
“Kung ako sa’yo, ihatid mo na sa funeneria ang asawa mo at saka ipa-cremate! Tutal naman sa ginagawa niya, doon na rin ang punta niya!” sarkastikong pagkakasabi ng ina ng babae.
Napangiti naman si Nessie at kumislap ang mga mata. “Tama kayo ‘nay! Magandang plano iyan!”
Tila ba nagulat naman ang matanda sa sinabi ng anak. Bahagyang naguluhan pa ito dahil mukhang seryoso si Tessie sa naiisip nito.
Lumabas si Nessie at saka hinanap ang asawa. Nakita niya ito sa ikatlong barangay mula sa kanila na lasing na lasing na.
“Hoy, Berto! Bumangon ka riyan! Iinom-inom ka tapos aabalahin mo ako kapag hindi ka makauwi!” sigaw ng ginang sa asawa.
“Sino ka?! Bakit mo ako inuutusan ha?” lasing na sagot naman ng lalaki.
“Ako lang naman ang misis mo! Halika na at uuwi na tayo!”
“Misis? Ayoko umuwi! Bungangera ang asawa ko. Walang suporta ‘yun sa pag-iinom ko. Ayoko do’n!” pagtanggi pa ni Berto.
Tila na nagpantig ang mga tenga ni Nessie sa narinig. Kulang na lang e, ipukpok niya ang mga bote ng alak sa ulo ng asawa para magising ito sa katotohanan.
At dahil naman wala nang ibang choice ang babae, dinala niya ang lalaki sa isang lugar na alam niyang hindi nito makakalimutan…
“Siguraduhin mong magmamakaawa ang asawa ko sa takot ha? ‘Wag kang titigil hangga’t hindi nangangako na hindi na siya mag-iinom!” seryosong sabi ng ginang habang nag-aabot ng isang libo sa lalaki roon.
“Opo ma’am! Ako po ang bahala!” sabi pa nito.
Mga anim na oras rin ang lumipas…
Nagising si Berto na medyo masakit pa ang ulo. Hindi niya alam kung lasing pa ba siya o ano, dahil ang baho ng singaw ng paligid. Tila ba amoy gamot at usok mula sa kung anong nasusunog.
Nagising sa katotohanan si Beto nang mapagtanto niyang nakahiga siya sa parihabang kahoy na bukas. Dahan-dahan siyang bumangon at nanlaki ang mata nang makitang may walang buhay na katawan sa paligid.
Napatili na para bang batang babaeng takot na takot ang lalaking manginginom. Tatayo sana siya at tatakbo nang bigla siyang bumagsak sa sahig.
“A-ano ‘to?!” tanong ng lalaking lasenggo habang minamasdan ang kadenang nakapulupot sa paa.
“Wag mo nang subukan tumakas! Naka-line up ka na. Ikaw na ang next!” saad ng lalaki mula sa kaniyang likuran.
“Anong sinasabi mo?”
“Naririnig mo ba yung parang nagtutunugan na parang chicharon sa kabilang kwarto? Doon yung mga kine-cremate. Ikaw na ang kasunod kaya humiga ka na sa kahon mo at isasalang ka na!”
“Diyos ko! Hindi! Buhay pa ako! Bakit mo ako susunugin doon? Uuwi na ako. Palabasin mo ako rito!” sigaw pa ni Berto.
“Sunog naman na ang bato at atay mo kakainom. Yung tiyan mo nakalaylay na nga’t mukhang sasabog na. Doon na rin naman ang punta mo. Tingin ko nga, mga isang boteng alak na lang ‘yan,” pananakot pa ng lalaki. “Tara na, ilalagay ka na doon!”
Napatili na naman si Berto sa takot. “Parang awa mo na! Buhay pa ako. Iniintay ako ng asawa ko. Uuwi na ako!”
“E mag-iinom ka rin naman paglabas mo rito ‘di ba? Makikita rin naman kita. Bakit patatagalin pa?”
“Hindi. Hindi na ako mag-iinom. Pangako ‘yan! Titigil na ako,” pagmamakaawa pa ng lasenggo.
“Talaga ba?”
“Oo, basta pauwiin mo na ako, please.” pagmamakaawa ng lalaki.
Napangiti naman ang lalaking mula sa funenaria at kinalagan ang kadena sa paa ni Berto. Nagmamadaling tumayo ang lasinggero at nagsisigaw habang tumatakbo palabas.
Takot na takot na umuwi ang lalaki. Pagkarating sa bahay ay tila ba naka-jackpot naman sa lotto ang hitsura ni Nessie nang makitang takot na takot ang asawa sa nangyari.
Magmula ng araw na iyon, itinigil ni Berto ang pag-iinom. Kapag nakakakita ito ng alak ay tila ba nakakaramdam ito ng matinding takot at kusang tumatakbo palayo.
Talagang epektibo ang ginawang iyon ni Nessie! Ngayon ay payapa na siya at wala nang sakit sa ulo. Walang asawa na sinusundo dahil lasing at kusa nang tumatakbo palayo sa alak.